Thursday, 25 June 2015

Day 9 at PUP QC :)

June 24, Wednesday

IKA-9 na araw sa sintang paaralan. Kung tatanungin mo ko kung nasaan yung days 3-8, aba'y ewan ko. Hahaha. Tinamad lang ako mag-update. Pwede ko naman siguro ikwento yung summary sa pagkakataong ito.

Eto na. May mga bago kaming dating na kaklase kaya sa kasalukuyan, 60 na kami sa sintang silid-aralan. May mga gawaing bahay syempre. May grouping na para sa reporting. At may advance announcement na ng bigating project, yun ay ang mag-interview ng businessman. The more the merrier, ika nga nila. Kaya kailangang makarami, katumbas nyan ang markang inaasam at pagpupunyagi sa huli Mayroon na ring mga quizzes sa Math at English. At sigurado akong sa susunod na pagsusulit, kailangan ko pang mas magsunog ng kilay.

May mga nakilala na rin ako higher year level at mababait sila lalo nung nagkaroon ng Council of Leaders General Assembly, nakita ko ang iba't ibang opisyal ng iba't ibang organisasyon. Di maikakaila ang kanilang dedikasyon sa tungkulin.

Noong Linggo ang aming unang araw sa NSTP. May ginanap na orientation. Urban farming ang pinaka-focus ng CWTS bilang paghahanda sa mga di inaasahang kalamidad. Samantala, ang aming ROTC ay super full force dahil puro sila boys. Sabi nga ni Prof. Morales, mas mabuti ng handa ang buong PUP QC kaya namin ito gagawin.

Natutuwa rin ako na nagampanan ko ang aking tungkulin at responsibilidad bilang ingat-yaman ng aming klase. Nakakatuwang isipin na ipagkakatiwala sa iyo ang malaking halaga ng pera ng buong klase. Sabay maririnig mo pa ang papuri sa iyo ng mismong presidente ng klase, e di wow. ( Hi kuya Gab!)

Hindi mawawala sa isang paaralan ang tinatawag na school paper o publication. Sa aking sintang paaralan, tinatawag na Vox Nova ang publication. At natutuwa ako dahil personal kong nakausap ang aming editor-in-chief. Isa iyong pribelehiyo. Bago pa man ako maging isang marketing student, ang gusto ko talagang kuning kurso ay Journalism sa Unibersidad ng Pilipinas. Ngunit di kami tinadhana ni dream school eh. Sa Manila campus ako pumasa sa kursong Political Science na sa huling oras ko na napagtanto na di ko kakayanin ang nasabing kurso. Bakit? Kasi hindi ko naman talaga iyon gusto. Pero sa ngayon, I really aim na makasali sa school publication. Mas lalo pa akong na-motivate nang malaman kong may discount sa tuition fee. Hehe. Pero maliban dun, syempre gusto ko talagang maging parte ng publication.

Gusto ko rin ibahagi ang higit isang linggo kong pagtangkilik sa kantina sa loob ng paaralan. Sa halagang bente pesos, may kanin at dalawang ulam ka pa. Mas ganado pang kumain kasama ng mga minamahal na kamag-aral at kaibigan, hindi ba?

Sa loob ng halos tatlong linggo, unti-unti kong mas nakikilala ang aking sintang paaralan. Inaabangan ko na rin ang gaganaping Freshman Orientation sa Sabado, Hunyo 27. Kitakits mga kapatid!

P.S. Eto nga pala ang munting larawan ng magkakaibigan sa Pylon Jr. ng sintang paaralan. Mabuhay!

No comments:

Post a Comment